Nagsimula ang Junior Ipon bilang tesis ni Mark Kevin "Kevin" de Guia sa kursong Information Design sa Ateneo de Manila University. Nagsimula ito bilang isang 45-pahina na workbook na tinalakay ang mga aralin tungkol sa Gusto at Kailangan, Pag-iimpok, at Pagnenegosyo.
Ang layunin ng kaniyang proyekto ay makagawa ng isang pang-edukasyong materyal sa pagkatuto ng mga kabataan sa tamang paghawak ng sarili nilang pera. Katuwang na layunin nito ay gamitin ang malikhaing pagdisenyo upang maging kasiya-siya ang paggamit ng libro sa mga batang mambabasa.
Higit pa sa layuning matapos ang kaniyang tesis, nilikha ni Kevin ang Junior Ipon upang mabigyan ng solusyon ang problema ng mga kabataang napipilitang huminto sa pagpasok sa paaralan dahil sa kakulangan ng pinansyal na kapasidad upang makapag-aral.
Nakilala ng St. Matthew's Publishing Corporation si Kevin at ang Junior Ipon sa exhibit ng mga nagtatapos sa kurso ng Information Design noong Enero 27-30, 2014. Mula sa pagtatagpong iyon, hinikayat ng tagapaglathala si Kevin na palawakin ang mga nilalaman ng libro at ipagpatuloy ang kaniyang pagsisikap sa pagpapalaganap ng financial literacy sa kabataang Pilipino.
Karamihan sa nilalaman ng libro ay naisulat ni Kevin habang siya ay nasa ikalawang taon ng pagtuturo at pagiging isang teaching fellow ng Teach for the Philippines—isang karanasan na higit na nagbigay inspirasyon sa kanya sa pagtatapos ng libro. Ang kumpleto at pinalawak na bersiyon ng Junior Ipon ay ang librong nasasainyong mga kamay ngayon.
Ang adbokasiya ng Junior Ipon ay hindi nagtatapos sa paglathala at pag-imprenta ng libro. Kinakailangan itong maipagpatuloy ng mga tagapayo ng mga kabataan—mga magulang, mga guro, mga kapatid, at mga "ate" at "kuya" sa kanilang mga komunidad. Kung kaya, nagpapasalamat kami ngayon sa inyong pagpili at paggamit ng Junior Ipon bilang gabay sa pagtuturo ng mga batang nasa ilalim ng inyong pangangalaga.